Defense & Sporting Arms show suportado ni Bartolome
MANILA, Philippines - Si Philippine National Police (PNP) chief Director General Nicanor Bartolome ang mangunguna sa pagbubukas ng 2012 Defense & Sporting Arms Show (DSAS) Part 2 sa Nobyembre 29, 2012 sa SMX Convention Center-Mall of Asia, Pasay City.
Ito ang unang pagkakataon na ang pinaka-prestihiyosong gun show sa bansa na nasa ika-20 taon na ay sasabayan ng 6th Manila Auto Salon, ang pinakamalaking auto aftermarket fair sa Pilipinas, na inaasahang dadayuhin ng mga mahilig sa makabagong baril at magagarang kotse.
Ang pinag-isang DSAS-MAS event ay tatagal ng apat na araw mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 20.
Ayon kay Neri Dionisio, pangulo ng Association of Firearms and Ammunition Dealers (AFAD), bukod sa malaking bilang ng mga modernong armas na ipakikita sa gun show, marami ring libreng seminar ang kanilang inihanda para sa publiko.
Ang mga ito ay ang responsible gun ownership ng A2S5 Coalition, gun handling and safety, future of sport shooting, how to check gun reliability at proper gun maintenance.
- Latest