Marikina jail riot: 1 tigok

MANILA, Philippines - Isang preso ang nasawi habang dalawa ang nasu­gatan sa naganap na riot sa loob ng Marikina City Jail kamakalawa ng hapon sa lungsod.

Nakilala naman ang nasawing bilanggo na nagtamo ng tama ng bala sa katawan na si Roel Diaz habang sugatan naman sina Jayson Malicdin at John Cariño.

Sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-4:30 ng hapon nang mag-ingay bilang protesta ang mga bilanggo sa ikalimang palapag ng Marikina Justice Hall. 

Ipinoprotesta ng mga preso ang mga akusasyon na sobrang paghihigpit umano ni J/Sr. Insp. Nicanor Abraham sa kanila at maging sa kanilang mga bumibisitang kaanak na pinaghuhubad pa umano ng damit at kinakapkapan maging ang mga damit panloob bago makapasok ng bilangguan.

Tinangka namang pa­­pa­yapain ng mga jailguards ang mga nagwa­walang preso hanggang sa isa umano sa mga bantay ang nagpaputok ng baril at tinamaan ang tat­long bilanggo.

Agad namang isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center ang tatlo ngunit binawian ng buhay si Diaz. Sinibak na ng pamu­nuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa kan­yang puwesto si Abraham at pinalitan ni J/Sr. Insp. Gregorio Acacio.

 

Show comments