MANILA, Philippines - Isang trak na nawalan ng preno ang sumuwag sa mga kabahayan na nakatirik malapit sa highway na ikinasawi ng isang mag-ama at isang pasahero habang sampu ang nasugatan naganap kamakalawa ng gabi sa highway ng Upper Puerto, Cagayan de Oro City.
Kinilala ang mga nasawing sina Mario Bahe, anak na si John Lord at pasaherong si Mario Aluya na naipit sa loob ng kabahayang gawa sa mahihinang uri ng materyales matapos salpukin ng isang cargo truck.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang sina Jayson Seroy; Adonis Anoos; Antonio Rosario; Marvin Canedo; Elena Jane Canedo at ang dalawang buntis na si Geraldine Canedo at Merlyn Canedo na kapwa nasa kritikal na kondisyon at iba pa na hindi natukoy ang mga pangalan.
Batay sa ulat ng Cagayan de Oro City Police, bandang alas-6:00 ng gabi nang maganap ang trahedya sa tabi ng Maharlika Highway sa nasabing lugar.
Nabatid na may kargang mga bato ang cargo truck (YCM 801) na minamaneho ni Ponciano Manipis nang mawalan ito ng preno at tuluy-tuloy na sinuyod ang magkakatabing kabahayan.
Inamin ni Manipis na nawalan umano ng preno ang truck na nagbunsod sa malagim na trahedya.
Kinasuhan si Manipis ng reckless imprudence resulting to 3 counts of homicide, multiple to serious physical injuries at damage to property.