Granada sumabog sa NBP, 6 sugatan

MANILA, Philippines - Anim na preso ang nasugatan makaraang sumabog ang isang granada sa loob ng “maximum security compound” ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Police, dakong alas-5:55 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa tapat ng Building II.  Isinugod sa NBP Hospital ang mga sugatang sina Jeric Diogilo, Cabas Lastimoso, Ronnie Franco, Nilo Garin, Fernando Montema­yor at Eddie boy Oson.

Sinabi ni Sr. Supt. Conrad Capa, naganap ang pagsabog habang nagdya-jogging ang ilang preso.  Sinadya umano ang paghagis ng granada ngunit hindi pa tiyak ang motibo.

Kabilang sa mga anggulong tinitingnan ang away umano ng mga sindikato ng iligal na droga sa loob ng bilangguan.  May ulat na dalawang bigtime drug dealer na nakaditine sa maximum security compound ang nagdya-jogging at target ng granada ngunit nalihis ang hagis kaya bumagsak ito sa gusali at doon sumabog.

Ayon pa sa ulat, ta­nging ang mga grupong Batang City Jail, Sigue Sigue Sputnik at Sigue Sigue Commando lamang ang may mga kapabilidad na magsagawa nito sa loob ng Bilibid. 

Sinabi ni NBP Supe­rintendent Ramon Reyes II, hawak na nila ang isang preso na suspek sa paghahagis ng granada makaraang inguso umano ito ng mga kapwa preso.  Ikukumpara ito sa nakuhang footage mula sa nakakabit na Closed Circuit Television (CCTV)” sa naturang lugar. 

Sinuspinde na ng pamunuan ng Bureau of Corrections ang “visi­tation rights” sa mga bilanggo habang nagsasagawa ang mga otoridad ng masusing imbestigasyon sa naganap na pagsabog.

 

Show comments