Buntis na may problema sa pag-ibig naglason
MANILA, Philippines - Malaki ang hinala ng otoridad na problema sa pag-ibig ang posibleng dahilan ng pag-inom ng silver cleaner ng isang buntis na ginang kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Cherry Rose Nellas, ng Barangay 14 ng lungsod at ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-11:00 ng gabi nang magpaalam si Cherry sa kanyang mga kasama sa bahay na matutulog na.
Ngunit, nagulat na lamang ang ate nitong si Tristine nang makita itong nangingisay, maitim na ang mga kamay at bumubula ang bibig.
Isinisisi naman ng pamilya ang pagpapatiwakal sa nobyo nitong si Raniel Balbuena na huli umanong nakasama ni Cherry.
Ayon naman kay Balbuena, inilihim ni Cherry ang kanyang pagbubuntis at hindi umano niya makumpirma kung siya ang ama ng dinadala nito dahil may ka-text umano itong ibang lalaki.
- Latest