Kristo sa sabungan dinedo
MANILA, Philippines - Dedo ang isang kilalang kristo sa sabungan makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang nakaistambay sa kanilang lugar sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Marlon Alindog, 30-anyos, residente ng #11-B Mary Luz Street, M. Dela Cruz, ng naturang lungsod. Naisugod pa ito sa Pasay City General Hospital ngunit hindi na rin naisalba ng mga mangagamot dahil sa tama ng bala ng kalibre .45 baril sa katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-7:45 ng gabi sa Tripa De Turla sa M. Dela Cruz Street.
Ayon sa mga pinagtanungan ng pulisya, bigla na lamang umalingawngaw ang isang putok ng baril at duguang bumagsak si Alindog.
Kaagad rumesponde ang mga tauhan ni P/Sr. Insp. Antonio Sotomayor, hepe ng PCP-5, kung saan nakuha sa lugar ng krimen ang isang basyo ng bala buhat sa kalibre 45 at cell phone na pag-aari ng biktima.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Maranilla Alindog, 32-anyos, madalas umanong makatanggap ng pagbabanta sa buhay ang kanyang kapatid sa cell phone buhat sa hindi kilalang suspek.
- Latest