MANILA, Philippines - Isang apo ni Senate President Juan Ponce Enrile ang natagpuang patay at may tama ng bala sa sentido sa ikalawang palapag ng kanyang establisyemento kahapon ng umaga sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung nag-suicide o aksidente lamang nabaril ang 23 anyos na Sanggunian Bayan member candidate na si Jen Marie Ponce.
“Our SOCO team were still establishing if the wound is self inflicted, if he commits suicide or it’s just merely an accident”, pahayag ni Sta Ana Police Chief P/Inspector Emil Pajarillo kung saan nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala ng cal 40 Taurus pistol sa kanang sentido na naglagos sa kaliwa.
Sinabi pa nito na posible rin umanong nalaglag ang cell phone ng biktima at pinulot niya ito habang inaayos ang kaniyang baril ng aksidenteng pumutok pero wala namang nakitang cleaning kit sa crime scene.
Ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival sa Saint Anthony Hospital.
Batay sa ulat, ang insidente ay naganap sa ikalawang palapag ng Phoenix Station na sa ground floor na kinaroroonan naman ng mga negosyong pag-aari ng pamilya tulad ng internet café at coffee shop sa Brgy. Sta. Cruz, Sta Ana ng lalawigan.
Sa salaysay ng mga empleyado, bandang alas-6:24 ng umaga nang makarinig sila ng putok ng baril at ng puntahan ang pinanggalingan ng putok nakitang duguang nakabulagta ang biktima.
Sa pahayag ng pamilya ng biktima sa pulisya wala naman umano silang alam na may problema ang biktima na sobrang abala sa trabaho matapos na sumabak sa pulitika.