Driver at konduktor nagkapikunan… Bus sumalpok sa tanker: 2 todas, 5 sugatan

MANILA, Philippines - Ang umano’y pagbibi­ruan na nauwi sa pikunan ng bus driver at kanyang kon­duktor ang dahilan ng pagsalpok ng kanilang bus sa sinusundang gas tanker malapit sa Alabang Exit ng South Luzon Expressway (SLEX), Muntinlupa City na ikinasawi ng huli at isang pasahero habang nasugatan ang limang iba pa kahapon ng umaga.

Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Omer Garcia Jr., 33, konduktor ng bus at ang pasaherong si Alejandro Limbo, 46. 

Isinugod naman sa Ospital ng Muntinlupa ang tatlo sa 5 nasugatang pasahero na sina Gail Castro; Ma. Cristina Ofalla at Icel Monsing.

Nakatakdang isuko na­man ng pamunuan ng Lip­pad Bus Transport ang driver na si Joel Villareal.

Batay sa ulat, dakong alas-5:15 ng umaga nang banggain ng Lippad Bus Transport (PXP-822) ang likurang bahagi ng isang diesel tanker (WEV-149) sa southbound lane ng Skyway malapit sa Alabang Exit na kung saan ay napuruhan ang dalawang nasawi.

Ayon sa pasaherong si Maricel Ramirez, nagbibiruan umano si Villareal at Garcia nang mauwi ito sa pikunan. 

Sa kanilang pagtatalo, halos paliparin ng driver ang kanyang minamanehong bus hanggang sa tuluyang bumangga sa gas tanker.

 

Show comments