MANILA, Philippines - Dalawang magkahiwalay na banggaan ng mga sasakyan sa bayan ng Tagkawayan at Tiaong, Quezon ang naiulat na ikinasawi ng apat katao.
Naitala ng Quezon Police ang unang banggaan dakong alas-11:45 ng umaga sa Quirino Highway, Brgy. Sta. Cecilia, Tagkawayan, Quezon.
Nabatid na binabaybay ng isang Mitsubishi Lancer (PPW-481) na minamaneho ni Danilo Arevalo ng Bacoor, Cavite ang kahabaan ng highway patungong sa Naga City nang mawalan umano ng ito kontrol sa manibela pagdating sa pakurbadang bahagi ng highway bunsod upang tuluy-tuloy na bumangga sa nakaparadang ten wheeler truck sa tabi ng highway.
Idineklarang dead-on- arrival sa Seton General Hospital ang mga biktimang sina Arevalo at Marissa Arciaga matapos na magtamo ng grabeng sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Patuloy namang ginagamot sa pagamutan ang mga sugatang biktima na sina Michelle Unay, mga kapatid nitong sina Ma. Jochelle, 8 at Janelle, Jenny Rose Gregorio, 35 at Arjay Lopez; pawang mga residente ng Bacoor, Cavite.
Ang ikalawang aksidente ay naganap dakong alas-10:20 ng gabi sa kahabaan ng provincial road ng Brgy. San Agustin, Tiaong, Quezon na ikinasawi ng mga biktimang sina Arvie Awatin at Harvey Ramos matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo.
Isinugod naman sa Liwag Hospital ang mga backrider ng mga itong sina Jaypee Nodera, 13 at Gilbert Villarosa.
Lumalabas sa imbestigasyon, kapwa mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo nang maganap ang head on collision kung saan ay kapwa tumilapon sa kalye ang sakay ng mga ito. - Joy Cantos, Ed Amoroso-