MANILA, Philippines - Tigok ang limang hinihinalang holdaper na nanloob sa isang shop makaraang lumaban sa mga tauhan ng pulisya sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Walang anumang nakuhang identification card ang mga awtoridad sa mga suspek kaya nahirapan silang tukuyin ang pagkatao ng mga ito na kinabibilangan ng apat na lalaki at isang babae.
Ayon kay Inspector Elmer Monsalve, hepe ng homicide investigation section ng Quezon City Police District (QCPD), ang mga suspek ay nasa pagitan ng edad na 25-30-anyos, ang isa ay may tattoo na “Sputnik” sa kanang kamay. Habang ang nasawing babae ay nasa pagitan ng edad na 20-25 anyos, kulot, at nakasuot ng itim na t-shirt at stripped na kulay brown short pants.
Napatay ang lima nang sila ay lumaban sa pinagsanib na puwersa ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at ng District Intelligence Division (DID) matapos na holdapin ang D’ Best Option Wholesaler and Retailer na matatagpuan sa Fairlane St., Barangay East Fairview ganap na alas-8:30 ng gabi.
Sinabi ni Monsalve, nagsasagawa ng surveillance operations sa lugar ang mga awtoridad dahil sa kadalasang holdapang nagaganap sa lugar kung saan ang sinasabing panghoholdap sa D’Best Option ay pangatlong beses ng nangyayari ngayong taon. Narekober ng awtoridad sa lima ang tatlong kalibre .38 revolvers at dalawang granada.
Nabawi din ng pulisya sa mga suspek ang P19,700 cash, dalawang NEC laptops, at isang Samsung mobile phone.