Junior Altas lumapit sa korona
MANILA, Philippines — Pinadapa ng University of Perpetual Help System DALTA ang College of St. Benilde-La Salle-Greenhills, 100-96, sa Game One ng NCAA Season 100 juniors basketball finals kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Sa 1-0 lead sa kanilang best-of-three championship series ng Greenis ay inilapit ng Junior Altas ang sarili sa pagkopo sa kauna-unahang korona.
Pumasok ang Perpetual sa NCAA noong 1984 at naglalaro sa kanilang ikalawang sunod na finals appearance.
Nagbagsak si 6-foot-7 Lebron Jhames Daep ng 21 points, habang may 20 markers si Jan Roluna para lumapit sa kanilang unang titulo.
Kumolekta si Jericho Cristino ng 14 points, 7 rebounds at may 13 at 12 markers sina JD Pagulayan at Louie Rosales, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Gillian Quines ang CSB-LSGH sa kanyang 29 points.
Kinuha ng Junior Altas ang 97-95 kalamangan sa huling 15.7 segundo ng fourth quarter.
Ang dalawang free throws ni Roluna ang tuluyan nang sumelyo sa kanilang panalo sa Greenies ni coach Ren-Ren Ritualo, Jr..
- Latest