2-1 lead itatagay ng Gin Kings
MANILA, Philippines — Mag-aagawan sa manibela ang Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga para sa krusyal na bentahe sa Game Three ng 2024-2025 PBA Commisssioner’s Cup Finals sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Hawak ng Gin Kings ang momentum matapos ang 71-70 panalo sa Game Two upang maitabla ang best-of-seven series sa 1-1 kaya siguradong hindi magpapaawat sa bakbakan ngayong alas-7:30 ng gabi.
Taob ang Ginebra sa Game One, 89-95, subalit mabilis na nakabawi nang limitahan sa ilang finals-worst records ang TNT at sa pangunguna ng 35 points ni resident import Justin Brownlee.
Pinadugo ng Gin Kings sa apat na puntos sa second quarter at 19 points na kabuuan ang Tropang Giga sa first half bilang pinakamababang output sa kasaysayan ng PBA Finals.
Pero sa kabila nito ay kinailangan pa ulit pigilan ng mga bataan ni coach Tim Cone ang mainit na comeback attempt ng TNT, bagay na aasahan ulit nila ngayong Game Three.
“We’ll see what happens in Game 3, if we can continue that,” ani Cone. “There are gonna be adjustments from TNT, but I think there is a chance for us to play better offensively. If we can do that, maybe we can get Game Three.”
Isa sa naging susi ng Gin Kings ang depensa kay Rondae Hollis-Jefferson, na nagkasya lang sa 25 points sa 6-of-23 shooting kabilang na ang dalawang krusyal na 24-second shotclock violations sa huling 46 segundo.
May tsansa sana si Hollis-Jefferson, ang reigning Best Import ng PBA, na mabigyan ng 2-0 kartada ang TNT subalit nanlambot sa depensa ng Ginebra ng hindi man lang nakatira sa dalawang possesyon tungo sa pagkatalo.
“That’s something I want to get better at or grow from it. You know, I’ll watch it. I’ll watch it. I’m not afraid to see where I messed up, where I made a mistake. Hopefully, coach Chot calls me out on it. I’m good with that, so it’s all about getting better,” pangakong pagganti ng dating NBA player.
- Latest