Hotshots krusyal ang laro vs Dyip

MANILA, Philippines — Tagilid na ang posisyon ng Magnolia sa hawak na 2-5 kartada para sa quarterfinal round ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.

At kailangang walisin ng Hotshots ang natitirang limang laro sa eliminations para makaiwas sa pagkakasibak sa torneo, ayon kay coach Chito Victolero.

“Backs against the wall na kami. We have five remaining games so we cannot afford to lose any of them,” ani Victolero. “Ang pinag-uusapan namin dito, if we can win all of those, much better.”

Lalabanan ng Magnolia ang kulelat na Terrafirma ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang banggaan ng Meralco at NLEX sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Nagmula sa pagkatalo ang Hotshots habang wala pang panalo ang Dyip sa kanilang walong laban.

Hawak ng NorthPort ang solong liderato sa 6-1 baraha kasunod ang Rain or Shine (5-1), Converge (6-2), Ginebra (5-2), guest team Eastern (6-3), Meralco (4-3), TNT Tropang Giga (3-2), San Miguel (3-4), NLEX (3-4), Magnolia (2-5), Phoenix (2-5), Blackwater (1-5) at Terrafirma (0-8).

Sa ikalawang laro, mag-uunahan ding makabangon mula sa kamalasan ang Bolts at Road Warriors na nahulog sa isang three-game losing skid matapos ang 1-3 panimula sa torneo.

Show comments