MANILA, Philippines — Handang-handa na sina Kevin Quiambao ng De La Salle University at JD Cagulangan ng University of the Philippines sa matinding labang haharapin nito sa Korean Basketball League (KBL).
Dumating na sa Incheon, South Korea ang dalawang UAAP standouts para makasama ang kani-kanyang teams.
Matapos makuha ang kani-kanyang visa, unang umalis si Quiambao noong Miyerkules ng gabi habang tumulak naman pa-Korea si Cagulangan kahapon.
Agad na sasalang sa ensayo sina Quiambao kasama ang kanilang mga teams.
Maglalaro si Quiambao para sa Goyang Sono habang lalaro naman para sa Suwon KT si Cagulangan.
Sabik na ang dalawa na maipamalas ang kanilang husay sa KBL.
Unang masisilayan sa aksyon si Quiambao kasama ang Skygunners laban sa Busan KCC Egis sa Sabado.
Sa parehong araw, maglalaro rin si Cagulangan kasama ang Sonicboom kontra sa Seoul Samsung Thunder.
“I will pursue my NBA dream and start my journey by playing professional ball in Goyang Sono Skygunners and developing my game even more,” ani Quiambao sa kanyang naunang post sa social media.
Nagpost pa ito sa kanyang Instagram story patungkol sa kanyang flight sa South Korea.