MANILA, Philippines — Walang puknat ang paputok ng mainit na Rain or Shine matapos silaban ang Blackwater, 122-106, upang mapalawig ang winning streak nito sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Lumipas man ang bagong taon ay hindi pa rin naapula ang nagliliyab na Elasto Painters tungo sa ikalimang sunod na panalo nila upang mapatatatag ang kapit sa segunda puwesto hawak ang 5-1 karta sa likod lang ng NorthPort (6-1).
Tumabo ng 25 puntos at 16 rebounds na double-double ang import na si Deon Marshall Thompson sahog pa ang 4 assists at 1 tapal upang banderahan ang balanseng opensa ng ROS.
Sumuporta sa kanya si Adrian Nocum na may 22 puntos, 5 rebounds, 3 steals at 1 tapal habang may 20, 18 at 11 puntos sina Santi Santillan, Anton Asistio at Caelan Tiongson, ayon sa pagkakasunod.
Nag-ambag din ng 9, 8 at 6 puntos sina Jhonard Clarito, Nick Demusis at Andrei Caracut para sa mga tropa ni head coach Yeng Guiao, na huling natalo kontra sa Meralco, 121-111, sa kanilang unang salang sa Comm’s Cup.
Tulad ng ibang koponan ay galing sa mahabang pahinga ang Elasto Painters dahil sa PBA break upang magbigay-daan sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon subalit halos hindi kinalawang ang ROS nang umariba agad ng unang bira.
Kumaripas sa 39-16 abante ang ROS, pinakamalaking laro nila sa buong laban, at halos hindi na pinawisan tungo sa 16-puntos na tagumpay.
Bagsak sa 1-6 karta ang Bossing sa kabila ng 35 puntos, 12 rebounds at 4 assists ng pambatong reinforcement na si George King na import din nila noong Governors’ Cup.