MANILA, Philippines — Hindi na makalalaro pa si Kai Sotto sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero.
Ito ay matapos itong magtamo ng torn ACL injury base sa resulta ng isinagawang MRI.
Kinumpirma ng Koshigaya Alphas na nagtamo ang 7-foot-3 Pinoy cager ng ACL dahilan para tuluyan na itong hindi makalaro sa mga nalalabing laro ng kanilang tropa sa season na ito.
Malungkot si Sotto sa resulta kung saan itinuring niya itong pinakamasaklap na pangyayari sa kanyang basketball career.
“The worst way to start the year, might be the darkest day of my basketball career when I was told I tore my ACL,” ani Sotto sa kanyang post sa social media.
Aminado si Sotto na mahirap itong tanggapin ngunit nagpasalamat ito sa lahat ng pagmamahal at suportang natatanggap nito mula sa kanyang mga fans, kaibigan, teammates at kapamliya.
“Tough to let this one sink in. I appreciate all the love and support everyone has given me these past few days. I know God has a better plan for me and we just have to keep going,” dagdag ni Sotto.
Karaniwan nang umaabot sa anim na buwan ang rehabilitasyon para tuluyang gumaling ang isang atletang nagtamo ng torn ACL.
Wala ring linaw kung makalalaro ito sa FIBA Asia Cup proper sa Agosto na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia.
Maganda pa naman ang inilalaro ni Sotto sa Japan B.League na kadalasang gumagawa ng double-digit output.
Aasahan din sana ng Gilas Pilipinas si Sotto sa dalawang away-games nito sa FIBA Asia Cup qualifiers laban sa Chinese-Taipei at New Zealand.