MANILA, Philippines — Matagumpay si Carlo Biado sa iba’t ibang international tournaments sa 2024.
Kaya naman pasok ito sa Top 5 sa listahan ng moneymaker ng Az Billiards website.
Umani si Biado ng kaliwa’t kanang korona dahilan para makuha nito ang No. 4 spot.
Nagbulsa ang Pinoy cue master ng kabuuang $209,275 prize money o katumbas ng halos P12 milyon.
Nangunguna na sa listahan ng mga napanalunan nito ang prestihoyosong World 10-Ball Championships kung saan nagkamit ito ng $75,000.
Ilan din sa mga napanalunan nito ang team event na Reyes Cup ($15,000), ang Ho Chi Minh City Open ($35,000), ang Raxx Mhet Vergara Pro Am ($9,000) at Chinese Taipei Open ($10,000) habang may runner-up finish ito sa Alfa Las Vegas Open ($14,000), at third place naman sa Maldives Open ($8,000), Lushan Open ($3,000) at Hanoi Open Pool Championship ($9,500).
Nasa ika-11 puwesto naman si Johann Chua na may kabuuang $121,250 premyo.
Nasa No. 1 spot si Fedor Gorst ng Amerika na may $510,163 habang ikalawa si German Joshua Filler ($316,488).