Mavs sinagpang ng Grizzlies

Lumipad si Memphis Grizzlies guard Scotty Pippen Jr. para sa kanyang two-handed dunk laban sa Dallas Mavericks.

MEMPHIS, Tenn. — Nagkuwintas si Jaren Jackson Jr. ng 35 points, 13 rebounds at 5 assists para banderahan ang Grizzlies sa 119-104 pagsagpang sa Dallas Mavericks.

Nagdagdag si Scotty Pippen Jr. ng 18 points habang may 17 points at 11 rebounds si Jaylen Wells para sa Memphis (24-13) sa kanilang ika-10 panalo sa huling 11 home games.

Pinamunuan ni P.J. Washington ang Dallas (20-16) sa kanyang 17 points at 10 rebounds at may 16 at tig-15 markers sina Naji Marshall, Klay Thompson at Jaden Hardy, ayon sa pagkakasunod.

Ito ang pang-limang sunod na kamalasan ng Mavericks na naglaro na wala si leading scorer Luka Doncic (left calf strain) at Kyrie Irving (back injury).

Naisuko man ng Grizzlies ang itinayong 13-point lead sa kaagahan ng fourth period ay muli naman nila itong naitala sa huling 2:12 minuto ng laro.

Sa Chicago, isinalpak ni Coby White ang go-ahead layup sa huling 47 segundo sa 114-110 pagsuwag ng Bulls (17-19) sa San Antonio Spurs (18-18).

Sa Minneapolis, umiskor si Anthony Edwards ng 37 points sa 108-106 pagtakas ng Minnesota Timberwolves (18-17) sa Los Angeles Clippers (20-16).

Sa Sacramento, kinamada ni DeMar DeRozan ang siyam sa 11 points ng Kings (18-19) sa second overtime sa 123-118 paglusot sa Miami Heat (17-17).

Show comments