MANILA, Philippines — Malaking leksyon ang natutunan ng Akari sa kauna-unahan nilang Premier Volleyball League (PVL) finals appearance sa nakaraang Reinforced Conference.
Kaya kaagad silang humataw ng dalawang sunod na panalo para pangunahan ang 2024-25 PVL All-Filipino Conference.
“Iyong last conference po maganda pong experience po ‘yun sa amin. At the same time po, ‘yung tinrabaho po namin kung papaano pa po kami magiging better kumpara sa last conference po para habang tuluy-tuloy po ‘yung panalo po namin, natututo pa rin po kami,” ani Ivy Lacsina sa Chargers.
Yumukod ang Akari sa nagreynang Creamline sa PVL Reinforced Conference Finals noong Setyembre kung saan nila ipinarada si American import Oly Okaro.
Sa likod ni Okaro ay ipinoste ng Chargers ang 10-0 record bago natalo sa Cool Smashers sa championship game.
Ngunit wala nang aasahang Okaro ang Akari sa PVL All-Filipino Conference, ayon kay Lacsina.
Malaking tulong din si Japanese coach Taka Minowa sa magandang inilalaro ni Lacsina sa torneo.
Unang tinalo ng Chargers ang Galeries Tower Highrisers, 28-30, 25-15, 25-16, 25-23, bago isinunod ang ZUS Coffee Thunderbelles, 25-14, 25-21, 19-25, 25-23.