MANILA, Philippines — Posibleng mabigyan ng go signal si Kai Sotto mula sa medical team nito para makapaglaro sa FIBA Asia Cup Qualifiers na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Partikular na ang krusyal na laro ng Gilas Pilipinas kontra sa New Zealand sa Nobyembre 21.
Ayon kay Gilas team manager Richard del Rosario, malapit nang makumpleto ng 7-foot-3 Pinoy cager ang protocol requirements na inilatag ng Japan B.League.
Matatandaang nagtamo ng injury si Sotto sa panalo ng Koshigaya Alphas kontra sa Yokohama B-Corsairs, 80-72, sa Japan B.League.
Aksidente itong natamaan ni Yokohama import Damien Inglis sa mukha dahilan para ilagay ito sa concussion protocol.
May anim na steps ang protocol.
“There is a chance that he will play versus New Zealand,” ani Del Rosario sa isang ulat.
Matindi na ang paghahanda ng Gilas lalo pa’t hindi birong kalaban ang New Zealand na nagtataglay ng malaking lineup.
Kaya naman malaking tulong kung makapaglalaro si Sotto upang mabigyan nito ng height ang Gilas.
Maganda ang inilaro ni Sotto sa first window ng FIBA Asia Cup Qualifiers noong Pebrero.
May averages itong 15.5 at 14 rebounds.
Tinalo ng Gilas ang Hong Kong, 94-64, kasunod ang Chinese-Taipei sa iskor na 106-53.
Kasama si Sotto sa training camp ng Gilas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.