MANILA, Philippines — Ang Petro Gazz ang unang maghahamon sa nagdedepensang Creamline sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Gazz Angels ang Cool Smashers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Cignal HD Spikers at Farm Fresh Foxies sa alas-4 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Solo ng Akari ang liderato sa kanilang 2-0 record kasunod ang Petro Gazz (1-0), PLDT (1-0), Chery Tiggo (1-0), Choco Mucho (1-1), Capital (0-1), Nexled (0-1) at Galeries Tower (0-2).
Hangad ng Gazz Angels na makasosyo sa Chargers sa liderato, habang sisimulan ng Cool Smashers ang pagtatanggol sa korona.
“Against Creamline, it’s gonna be very, very hard,” sabi ni Petro Gazz star spiker Brooke Van Sickle. “We just have to come out fired up and see what kind of magic we can make work.”
Sasalang sa aksyon sina Alyssa Valdez at Tots Carlos para sa Cool Smashers na hindi nakalaro sa nakaraang dalawang torneo.