MANILA, Philippines — Higanteng 2-0 bentahe ang tangka ng reigning champion Talk ‘N Text habang matamis na higanti ang misyon ng Ginebra upang makatabla sa krusyal na Game 2 ng 2024 PBA Governors’ Cup finals ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Magpapangbuno ang dalawang magkaribal sa alas-7:30 ng gabi tampok ang inaasahang mas malaking crowd matapos ang record-breaking gate attendance sa Game 1 sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Nasaksihan ng mga manonood ang 104-88 panalo ng TNT kontra sa Ginebra sa naturang laban at walang balak magpaawat ang mga bataan ni coach Chot Reyes upang maduplika ito at makaalagwa sa best-of-seven titular showdown.
Tulad ng Game 1, kung saan nila kinaldag sa 2nd half ang Gin Kings, ay sasandal si Reyes sa kanilang mala-lintang depensa.
“We know the strength of Ginebra. We looked at the numbers and we focused really on that taking away their strengths and really making sure we lean on our strength which is our ability to stop teams and play defense,” ani Reyes.
Babanderahan uli ni Rondae Hollis-Jefferson, na namumuro sa kanyang ikalawang sunod na Best Import award, ang TNT kasama sina Calvin Oftana, Poy Erram, Rey Nambatac, Roger Pogoy, Kelly Williams at Jayson Castro na pinatunayang wala pa rin siyang kupas sa Game 1.
Subalit hindi basta-basta titiklop ang Gin Kings na determinadong ipamalas ang kanilang ‘never say die’ mantra.
Upang makaiwas sa 0-2 deficit ay aasa ang Gin Kings sa pambatong crowd nito matapos silang mabigo sa Game 1.