MANILA, Philippines — Puntirya ng Far Eastern University ang Pool F sweep at quarterfinals twice-to-beat advantage kontra sa University of the Philippines sa huling araw ng second round ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate pre-season championship sa Rizal Memorial Coliseum.
Magsisimula ang bakbakan ng Lady Tamaraws at Lady Maroons sa alas-2 ng hapon, sunod ang labanan sa pagitan ng College of Saint Benilde Blazers at De La Salle University Lady Spikers sa alas-5.
Tangan ng FEU ang 2-0 karta matapos dominahin ang Ateneo de Manila University, 25-18, 25-18, 25-19, noong Linggo.
Makakapuwersa naman ng three-way tie sa 2-1 kung mananalo ang Lady Maroons, at idadaan ito sa tiebreaker para malaman ang top two teams sa Pool F sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Yumuko ang UP sa University of Sto. Tomas noong Sabado.
Samantala, magsasagupa ang defending champion National University at University of the East para sa huling bonus sa Pool E sa alas-11 ng umaga.
Tangan ang parehong 1-1 win-loss records, ang mananalo sa Lady Bulldogs at Lady Warriors ang makakasama ng unbeaten De La Salle University sa susunod na phase dala ang nabanggit na insentibo.