MANILA, Philippines — Nakipagtagisan ng bilis sa unahan ang Bagsikatdin upang angkinin ang panalo sa 3-Year-Old Maiden race na nilrga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nagwawalang umarangkada sa unahan ang Just Me sa largahan pero kinapitan agad siya ng Bagsikatdin habang nasa terserong malayo ang Arthur’s Theme.
Pagsapit ng kalagitnaan ng karera ay naglulutsahan pa rin sa unahan ang Bagsikatdin at Just Me na nasa tabing balya naka puwesto.
Lamang ng ulo ang Just Me sa Bagsikatdin pagdating ng far turn at nagpatuloy ang pukpukan nila sa unahan sa pagliko ng huling kurbada.
Parehong ayaw magpatinag sa rektahan pero inilabas ni jockey AM Tancioco ang huling lakas ng Bagsikatdin upang maaagaw na ang unahan sa huling 100 metro ng laban at nanalo ito ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang Just Me, tersero ang Arthur’s Theme.
Nilista ng Bagsikatdin ang tiyempong 1:30.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Edgar W. Tanamor Jr. ang P22,000 added prize.
Samantala, pitong karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo at ayon sa komento ng mga karerista sa social media ay maganda at balanse ang lahat ng races.