Easy Does It inangkin ang titulo sa Silver Cup
MANILA, Philippines — Nanalong dehado ang Easy Does It sa naganap na PCSO “Silver Cup” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Sinakyan ni jockey Jomer Estorque, pinaremate nito ang Easy Does It sa rektahan at manalo ng nguso lang ang pagitan sa pumangalawang Basheirrou.
Kumaripas sa largahan ang Basheirrou para hawakan ang dalawang kabayong agwat sa pumapangalawang Istulen Ola, nasa tersero ang back-to-back Silver Cup king, Boss Emong (2022-2023).
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay kalahating kabayo na lang ang lamang ng Basheirrou sa Boss Emong habang ang Easy Does It ay nasa pang-anim na puwesto pa.
Naging matatag sa unahan ang Basheirrou kaya hanggang sa huling kurbada ay hawak pa rin niya ang bandera pero malakas na ang dating ng Easy Does It na nasa gitna habang rumeremate na rin ang Jungkook sa bandang labas.
Mahigpit ang bakbakan sa unahan sa rektahan, hindi basta lumampas ang Easy Doest It dahil may hininga pang natitira ang Basheirrou.
Subalit hindi napanghinaan ng loob si Estorque, todo kayog at palo ng latigo ang ginawa upang i-ungos ang Easy Does It sa matikas na Basheirrou.
Nilista ng Easy Does It ang tiyempong 1:53.6 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ang tumataginting na P2.4M premyo sa event na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office, (PCSO).
- Latest