MANILA, Philippines — Namuro na ang San Miguel Beer sa semifinals matapos uling lusutan ang palaban na Converge, 107-100, sa 2024 PBA Governors’ Cup best-of-five quarterfinals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ratsada sa 2-0 ng race-to-three series ang Beermen at may tsansang makumpleto ang sweep bukas papasok sa best-of-seven semifinals s kontra sa mananalo sa kabilang bracket tampok ang Barangay Ginebra at Meralco.
Tumagay ng 41 puntos, 9 rebounds at 5 assists ang bagong import na si Ejmofor Anosike na sumalang lang sa quarterfinals matapos ang papalit palit na reinforcements ng SMB sa elimination rounds.
Una siyang tumabo ng 28 puntos, 11 rebounds at 5 assists sa 102-95 panalo nila sa Game 1.
Sa Game 2, umalalay sa Nigerian-American ace si June Mar Fajardo na nagtala ng double-double na 15 puntos at 16 rebounds.
Sumuporta din ng 11 at 10 puntos sina Kris Rosales at CJ Perez, ayon sa pagkakasunod, habang solido rin ang ambag nina Marcio Lassiter, Terrence Romeo, Don Trollano at Jericho Cruz na may 9, 8, 7 at 6 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Kontra sa gigil na FiberXers, napagiwan muna ang Beermen sa 27-36 sa kalagitnaan ng second quarter bago bumulusok sa second half kung saan sila lumamang ng hanggang 12 puntos.
Hindi na nagpaawat ang mga bataan ni coach Jorge Gallent buhat noon upang mapalakas ang tsansa sa panibagong finals appearance matapos ang championship at runner-up finish noong nakaraang season.
Napurnada ang 36 puntos at 12 rebounds ni Jalen Jones pati na ang 14 puntos ni Alec Stockton para sa FiberXers na kailangan ngayong manalo sa Game 3 upang mapahaba pa ang serye at manatiling nasa kontensyon.
Maging ang tig-12 puntos nina Justin Arana at Bryan Santos ay kapos pa rin para sa koponan ni interim coach Franco Atienza.