MANILA, Philippines — Ginulantang ng Arellano University ang nagdedepensang San Beda University, 72-70, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Naglista sina JL Capulong at T-Mc Ongotan ng tig-13 points para sa 2-5 record ng Chiefs, habang nag-ambag si Ernjay Geronimo ng 12 markers, 4 rebounds at 3 assists.
Laglag ang Red Lions sa 3-3 marka.
“Siguro it’s our day. Lahat ng teams alam natin San Beda ang target diyan,” wika ni Arellano coach Chico Manabat sa tropa ni mentor Yuri Escueta.
Isinalpak ni Capulong ang isang krusyal na jumper sa huling 44.7 segundo para sa 72-67 bentahe ng Chiefs kasunod ang three-point shot ni big man Yukien Andrada para idikit ang Red Lions sa 70-72.
Matibay na depensa ang ginamit ng Arellano para idiskaril ang dalawang tangka ng San Beda na makapuwersa ng overtime.
Bumanat si Jomel Puno ng game-high 20 points sa panig ng Red Lions.
Sa ikalawang laro, umeskapo ang Letran College sa University of Perpetual Help System DALTA via triple overtime, 82-73, para sa kanilang ikatlong sunod na pananalasa.
Bumandera si guard Deo Cuajao sa kanyang kinolektang 19 points, 5 rebounds at 3 assists para sa tropa ni coach Allen Ricardo.
Ang panalo ang nag-angat sa Knights sa solo second spot bitbit ang 5-2 kartada.