MANILA, Philippines — Nasikwat ni Aaron Jude Bado ang tansong medalya para sa Team Philippines sa prestihiyosong 2024 World Boxing Cup na ginanap sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Nakaabot sa semifinals si Bado para magkasya lamang sa tanso.
Ngunit hindi na ito nakalaro pa sa semis dahil sa desisyon ng mga doktor doon sa Mongolia na huwag na itong sumalang pa upang hindi lumala ang injury nito na natamo sa quarterfinals.
Na-headbutt si Bado sa quarterfinal match nito sa men’s 51kg division laban kay Allesio Camialo ng Italy.
Nagtamo si Bado ng injury sa kanang mata dahilan para itigil ang laban.
Dahil hindi natapos ang laban, kinuha ang desisyon sa score cards ng mga hurado.
Bago itigil ang bakbakan, lamang si Bado na nakuha ang boto ng tatlong hurado habang dalawang judges ang pumabor sa Italian pug.
Kaya naman ibinigay kay Bado ang panalo at umusad ito sa semifinals.
Dahil sa nangyari, nanghinayang si Bado na nais pa sanang makalaro at makuha ang ginto.
Sa tindi ng tinamo nitong injury, hindi na pinayagan pa si Bado na makabalik sa aksyon para huwag nang maargabyado pa ng husto ang kanyang injury.