MANILA, Philippines — Nakasentro na agad ang atensiyon ng lahat sa National University Lady Bulldogs hindi pa man nagsisimula ang UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na papalo sa second semester ng liga.
Lutang ang bagsik ng Lady Bulldogs sa mga laro nito sa 2024 Asian Women’s Club Volleyball Championship na ginaganap sa Chathai Hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand kung saan nagawa nitong makipagsabayan sa matitikas na club teams.
Isa na rito ang panalo ng Lady Bulldogs kontra sa Hong Kong Volleyball League champions Kwai Tsing sa iskor na 25-16, 25-21, 25-22 sa classification round.
Nanguna sa naturang panalo si reigning UAAP MVP Bella Belen na kumana ng 16 puntos habang nagdagdag naman si opposite spiker Alyssa Solomon ng 15 markers.
Nauna nang pinataob ng Lady Bulldogs ang Saipa Club-Iran sa pamamagitan ng 25-19, 25-18, 19-25, 25-18 panalo sa preliminary round.
Pinahirapan din ng NU ang Nakhon Ratchasima-Thailand sa quarterfinals bago isuko ang 13-25, 21-25, 25-20, 25-22, 5-15 desisyon.
Kaya naman inaasahang mas lalo pang magiging mabangis ang Lady Bulldogs sa oras na simulan nito ang pagdepensa sa titulo sa UAAP.