Binibini pasikat sa karerahan

MANILA, Philippines — Ipinakita ng Binibini ang kanyang husay matapos ang wire-to-wire win sa naganap na PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

Kumaripas ang Binibini paglabas ng aparato upang dominahin agad ang unahan at walang nagawa ang kanyang mga nakatunggali para makalapit sa winning horse.

Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay nasa dalawang kabayo ang lamang ng Binibini sa pumapangalawang Winsome Maxinne habang pangatlo ang Ba-ling Rikit.

Umungos pa sa apat na kabayo ang agwat ng Binibini sa mga humahabol pagsapit sa far turn kaya naman pagsungaw ng rektahan ay halos makuha na nito ang panalo.

Isinigaw ng race caller ang Baling Rikit sa huling 150 meter race sa rektahan pero malaki na ang agwat ni Binibini kaya magaan nitong tinawid ang meta.

Sinakyan ni jockey JC Dela Cruz, nirehistro ng Binibini ang tiyempong 1:27.8 minuto sa 1,400 meter race sapat para makuha ang panalo.

Show comments