Biglang balik sa alaala ng marami ang Red Bull team noong early 2000s.
Nakikita sa kasalukuyang Rain or Shine team ang karakter ng Red Bull team noon ni coach Yeng Guiao – walang big-name players pero walang kinakatakutan.
Swak ang Red Bull moniker noon na “Ang Bumangga Giba!”
Sa mga ipinapakita nina Jhonard Clarito, Gian Mamuyac, Anton Asistio, Andrei Caracut, Leonard Santillan, Keith Datu, Felix Lemetti, Adrian Nocum at Shaun Ildefonso, nananariwa ang alaala nina Kerby Raymundo, Jimwell Torion, Junthy Valenzuela, Lordy Tugade, Topex Robinson, Mick Pennisi at Davonn Harp.
Ganoon din ang nakita sa mga sumunod na Red Bull players, kasama sina Cyrus Baguio, Larry Fonacier, Enrico Villanueva, Rich Alvarez, Celino Cruz, Willie Miller at iba pa.
Hindi kabigatan ang lineup pero nagawa ng Red Bull manalasa sa PBA at makahakot ng tatlong championships kontra sa mga higanteng kalaban.
Nagbabadya ang kaparehong kaganapan para sa kasalukuyang Rain or Shine team.
Sa unang dalawang linggo ng salpukan sa PBA Governors’ Cup, Rain or Shine ang nanatiling unbeaten team sa tournament.
At lahat ay mangha sa kondisyon at klase ng laro na inilalaban ng mga Elasto Painters.
Walang designated hit men. Lahat ay handang rumatsada, lahat willing tumira at handang makipagpalitan ng mukha.
Delikado ang mga higante ng liga.