Team Philippines iikot sa Maynila
MANILA, Philippines — Ilang bahagi ng Maynila ang iikutin ng Team Philippines sa isang heroes’ parade na inihanda ngayong araw dahil sa matagumpay kampanya nito sa 2024 Paris Olympics.
Inihayag ng MMDA na isasara ang ilang bahagi ng kalsada sa Maynila na magsisilbing venue ng parada.
Magsisimula ang parada sa Aliw Theater sa Maynila kung saan babaybayin nito ang Roxas Boulevard.
Liliko ang parada sa Padre Burgos Avenue patungong Taf Avenue.
Mula sa Talf Avenue, kakanan ang parada sa Quirino Avenue patungong Adriatico Street kung saan matatapos ang parada sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz.
Mangunguna sa parada si gymnast Carlos Edriel Yulo na humakot ng dalawang gintong medalya sa Paris Games.
Kasama nito sina boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas na kapwa sumuntok ng tansong medalya sa kani-kanyang dibisyon.
Dumating na kahapon ang Team Philippines.
Mula sa Paris, sumakay ang delegasyon sa Emirates flight patungong Dubai para sa maikling stopover doon.
Mula Dubai, ang Philippine Airlines na ang nagdala sa Team Philippines sa Maynila.
Nagkaroon pa ng stopover ang PAL sa Bangkok para mag-refuel bago tumulak sa Villamor Airbase kung saan lumapag ang Team Philippines.
Mula sa Villamor Airbase, nagtungo ang Team Philippines sa Malacañang Palace para sa mainit na pagsalubong sa mga atletang Pinoy.
“We’re the best performer in Southeast Asian and No. 7 in Asia,” ani Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.
“We wanted more but with two gold and two bronze medals, should we ask for more from Paris?” dagdag ni Tolentino.
- Latest