Pirates sumampa sa win column
MANILA, Philippines — Kumamada ang Lyceum of the Philippines University ng 36 points sa fourth period para resbakan ang Jose Rizal University, 97-92, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagpasabog si Ato Barba ng 28 points tampok ang limang three-point shots bukod sa 5 rebounds at 3 assists para sa unang panalo ng Pirates sa tatlong laro.
“It’s not about Ato only, it’s a team effort. Hindi rin naman makaka-shoot si Ato kung hindi dahil sa rebounds ng big men namin at mga pasa ng teammates,” ani coach Gilbert Malabanan.
Nahulog ang Heavy Bombers sa 0-3.
Matapos ilista ng Jose Rizal ang 12-point lead, 83-71, ay isang 17-5 atake ang inilunsad ng Lyceum sa likod ni Mclaude Guadaña para makatabla sa 88-88 sa 2:24 minuto ng fourth quarter.
Huling napasakamay ng Heavy Bombers ang bentahe sa 92-90 mula sa basket ni Joshua Guiab sa nalalabing 1:14 minuto.
Ang dalawang free throws ni Barba ang muling nagtabla sa Pirates bago sila nakapuwersa ng turnover na nagresulta sa triple ng star guard para sa kanilang 95-92 bentahe sa huling 26.4 segundo.
Sinelyuhan ni Vincent Cunanan ang panalo ng Lyceum mula sa kanyang dalawang free throws sa natitirang 12.9 segundo.
Samantala, tinalo ng Mapua Cardinals ang Perpetual Altas, 71-65, para sa magkatulad nilang 2-1 record.
- Latest