Westbrook mapupunta sa Nuggets

LOS ANGELES — Ibinigay ng Clippers si veteran point guard Russell Westbrook sa Utah Jazz sa isang sign-and-trade deal at mapupunta sa Denver Nuggets.

Sa nasabing kasunduan ay bibilhin ng Utah ang na­titirang kontrata ng dating NBA Most Valuable Player awardee sa Los Angeles bago bitawan sa Denver.

Makukuha ng Clippers si guard Kris Dunn mula sa Jazz bilang bahagi ng sign-and-trade deal.

Nagkasundo ang Los Angeles at si Dunn sa isang three-year, $17 million contract na may isang non-guaranteed season sa ikatlong taon.

Tatanggapin naman ng Jazz mula sa Clippers ang isang 2030 second-round pick swap, ang draft rights kay center Balsa Koprivica, ang 57th pick nong 2021 NBA draft, at $4.3 million cash.

Ang 35-anyos na si Westbrook ang pupuno sa na­iwang posisyon nina Kentavious Caldwell-Pope at Reggie Jackson sa Nuggets.

“I think we need some help in the backcourt,” sabi ni Denver general manager Calvin Booth.

Nauna nang umalis si All-Star forward Paul George sa Clippers at lumipat sa Philadelphia 76ers matapos sumalang sa free agency.

Show comments