MANILA, Philippines — Maganda ang panimula ni team captain Ivy Lacsina para sa bago niyang koponan.
Bumira si Lacsina ng 20 points mula sa 20 attacks para tulungan ang Akari sa 25-18, 27-25, 22-25, 25-14 paggiba sa Capital 1 Solar Energy sa Pool B ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Masaya naman po kasi kahit nasa season na kami tina-try pa rin naming i-build iyong connection namin sa isa’t isa,” wika ng outside spiker na nagmula sa Nxled via swap. “Mas napapadali siya kasi madaling kausapin iyong mga teammates namin.”
Umiskor si American import Oly Okara ng 16 markers buhat sa 14 attacks, isang ace at isang block para sa Chargers.
Pinangunahan ni Russian import Marina Tushova ang Solar Spikers sa kanyang 20 points mula sa 17 hits, dalawang blocks at isang ace.
Umiskor sina No. 2 overall pick Leila Cruz, Iris Tolenada at Lourdes Clemente ng tig-pitong marka para sa Capital1 na inagaw ang third set, 25-22, bago sumuko sa Akari sa fourth frame.
Sa inisyal na laro, bumanat si 2024 PVL All-Filipino Conference MVP Brooke Van Sickle ng 22 points mula sa 18 attacks, tatlong service aces at isang block sa 25-16, 25-21, 25-21 pagdaig ng nagdedepensang Petro Gazz sa ZUS Coffee.
“Eventually points will come, just don’t get stressed and too tight, just play volleyball and have fun,” ani Van Sickle sa panalo ng Gazz Angels.