NU dikit na sa korona
MANILA, Philippines — Namumuro ang UAAP Queens National University Lady Bulldogs sa pagsilo ng korona matapos ang pahirapang panalo kontra Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-22, 18-25, 25-19, 18-25, 15-13 sa Game 1 ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals best-of-three finals na nilaro sa Ninoy Aquino Stadium kahapon.
Nagtulungan sa opensa sina Bella Belen, Arah Ell Panique at Erin Pangilinan upang akbayan ang NU at maitakas ang importanteng panalo.
Nahirang na Most Valuable Player of the Game si Belen matapos irehistro ang 26 points mula sa 24 attacks at dalawang blocks habang nag-ambag sina Panique at Pangilinan ng 15 at 14 points, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa si Jean Asis ng 23 markers pero kinapos pa rin para itaguyod sa panalo ang Lady Tamaraws.
“I’m very happy na despite wala si Ate Sheena (Toring, Ate Aly (Solomon) and Vange and other teammates ko na di nakapaglaro, may mga rookies and mga teammates ko na talagang nag-step up na tinulungan yung team para manalo today,” ani Belen.
Samantala, Isang hakbang na lang at sasampa sa third place podium ang reigning NCAA champions College of Saint Benilde Lady Blazers.
Ito’y matapos pagulungin ng Taft-based squad ang Letran Lady Knights, 21-25, 25-21, 25-16, 25-17 sa Game 1 ng battle for third.
- Latest