MANILA, Philippines — Sasarguhin ng Gilas Pilipinas ang krusyal na panalo sa pagsagupa nito sa Georgia sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.
Magtutuos ang Gilas Pilipinas at Georgia ngayong alas-8:30 ng gabi (Manila time) kung saan ang mananalo ang inaasahang papasok sa susunod na round ng torneo.
Napanood ng mga Pinoy cagers kung paano ginulpi ng Latvia ang Georgia sa opening day kung saan naitala ng host team ang 83-55 demolisyon.
Magandang pagkakataon ito upang personal na ma-scout ng Gilas Pilipinas ang kanilang makakalaban lalo pa’t nasa must-win situation ito sa Georgia.
Babanderahan ang Georgia ni San Antonio Spurs big man Aleksander Mamukelashvili na bukod-tanging player ng kanilang tropa na nagtala ng double digits.
Umiskor ito ng 14 points, habang nagkasya lamang si Orlando Magic player Goga Bitadze sa pitong puntos.
Doble ingat ang gagawin ng Gilas Pilipinas dahil gigil ang Georgia na makaresbak at makuha ang No. 2 spot sa Group A na magdadala sa kanila sa crossover semis.
Subalit hindi naman basta-basta susuko ang Gilas Pilipinas.
Dala ang ‘puso’ matra, inaasahang ibubuhos na ng Pinoy squad ang buong lakas nito para makuha ang panalo.
Aariba para sa Gilas Pilipinas sina Dwight Ramos, Chris Newsome at CJ Perez na magsisilbing point-guard ng 11-man Gilas squad.
Hahataw din si naturalized player Justin Brownlee kasama sina June Mar Fajardo, Kai Sotto at Japeth Aguilar.
Ilang oras lamang ang pahinga ng Gilas Pilipinas matapos itong humarap sa Latvia sa alas-12 ng hatingggabi.