MANILA, Philippines — Ipaparada ng Capital1 Solar Energy si Russian import Marina Tushova para sa darating na 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Ang 25-anyos na si Tushova ay miyembro ng gold medal-winning Russian national team noong 2016 Europe Under-19 Championship.
Naglaro rin ang Russian outside hitter para sa Swiss team na Groupe E Valtra at sa mga Italian clubs na Istres Provence Volley at Vandœuvre Nancy Volley-Ball bago nagbalik sa kanyang bansa para isuot ang uniporme ng Sparta Nizhny Novgorod.
“I’m very confident in our management and in coach Roger (Gorayeb)’s ability to shape young players and bring out their best skills,” ani Capital1 co-owner Mandy Romero.
Tumapos ang Solar Spikers ni Gorayeb na kulet sa nakaraang PVL All-Filipino Conference sa naitalang 1-10 record.
Bukod kay Tushova ay isasalang din ng Capital1 si Filipino-American playmaker Iris Tolenada.
Ang Solar Spikers ang pipili sa No. 2 overall selection sa darating na kauna-unahang PVL Rookie Draft sa Hulyo 8.
Bukod sa Capital1, may mga nakuha na ring imports ang Creamline, Chery Tiggo at PLDT.
Itatampok ng Cool Smashers, hangad ang back-to-back championship matapos pagreynahan ang nakaraang All-Filipino Conference, si American reinforcement Erica Staunton.
Muli namang magbabalik si Khat Bell, unang naglaro para sa Petron Blaze Spikers sa Philippine Super Liga, matapos kunin ng Crossovers kung saan niya makakasama ang dating teammate na si Aby Maraño.
Kinuha ulit ng High Speed Hitters si Russian outside spiker Elena Samoilenko na naging leading scorer ng 2022 PVL Reinforced Conference.