Team PH nadagdagan pa

MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang Team Philippines na masisilayan sa 2024 Paris Olympics.

Ito ay matapos magkwalipika ang mga Pinoy athletes sa golf at judo habang may dalawang universality spots naman na ibibigay sa swimming event.

Pasok na sina golfers Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina ayon sa National Golf Association of the Philippines (NGAP).

“Bianca Pagdanganan and Dottie Ardina are the final additions to the Philippine contingent for the Paris Olympics,” ayon sa post ng NGAP.

Nakahirit ng tiket sina Pagdanganan at Ardina dahil nasa Top 60 ito sa women’s Olympic rankings na opisyal nang nagtapos noong Hunyo 24.

Nasa ika-24 si Pagdanganan upang masiguro ang kanyang ikalawang sunod na pagpasok sa Olympics.

Una na itong nasilayan noong 2021 Tokyo Olympics kasama si Yuka Saso noong kinatawan pa ito ng Pilipinas.

Nasa ika-55 naman si Ardina na masisilayan sa unang pagkakataon sa Paris Olympics.

Kasama rin sa mga nakapasok si Kiyomi Watanabe ng judo base rin sa kanyang world ranking.

Inaasahang madaragdag pa sina swimmers Kayla Sanches at Jarrod Hatch via universality.

Kasama rin sa Paris Games sina pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena; gymnasts Carlos Yulo, Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo, weightlif­ters Vanessa Sarno, Elreen Ando at John Ceniza, boxers Eumir Marcial, Carlo Paalam, Nesthy Petecio, Aira Villegas at Hergie Bacyadan, fencer Sam Catantan, at rower Joanie Delgaco.  

Show comments