Mojdeh siblings ayaw paawat sa PAI swim tilt
MANILA, Philippines — Patuloy ang pamamayagpag ng mga pambato ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) nang humataw pa ito ng 13 ginto, pitong pilak at tatlong tansong medalya sa 2024 PAI National Age Group Championships na ginaganap sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Manila.
Naasahan na naman ng BEST squad ang Mojdeh siblings na sina Mikhael Jasper, Madi at Micaela Jasmine na humataw ng gintong medalya sa kani-kanyang dibisyon.
Nakalikom si Mikhael Jasper ng tatlong ginto sa Class A boys’ 9-year kung saan pinagharian nito ang 50m butterfly (38.60), 100m freestyle (1:16.98) at 100m breaststroke (1:51.66).
Bumanat naman si Madi ng dalawang ginto sa Class A boys’ 13-year 200m breaststroke (2:43.81) at 50m butterfly (29.80) habang pumangalawa ito sa 100m freestyle (1:02.26).
Matikas din si Micaela Jasmine — na galing sa two-bronze medal finish sa 13th Asean Schools Games sa Vietnam — matapos sumisid ng dalawang ginto sa Class A girls’ 17-over 400m freestyle (4:39.93) at 200m breaststroke (2:46.31) habang umani pa ito ng isang pilak sa 50m butterfly (29.27).
Maliban sa Mojdeh siblings, hakot din ng dalawang ginto si Yugo Cabana sa Class A boys’ 14-year 100m freestyle (57.54) at 50m butterfly (28.17), at isang pilak sa 50m backstroke (32.27).
May ginto rin si Annika Quinto sa Class A girls’ 13-year 100m freestyle (1:06.24) at dalawang pilak sa 50m backstroke (35.63) at 50m butterfly (33.56).
Nag-ambag ng isang ginto si Elisa De Kam sa Class B girls’ 13-year 100m freestyle (1:10.68) habang may pilak ito sa 50m butterfly (34.32) at tanso naman sa 50m backstroke (36.53).
Nakaginto rin si Clara Maligat sa Class B girls’ 13-year 50m backstroke (37.36) at tanso sa 50m butterfly (33.56) gayundin si Winston Taggs na may ginto sa Class A boya’ 12-year 200m breaststroke (3:05.00).
Sa kabuuan, may 38 ginto, 23 pilak at 10 tanso ang BEST matapos umani ng 12 ginto, siyam na pilak at dalawang tanso sa unang araw ng kumpetisyon.
- Latest