8 Olympic-bound athletes bumiyahe pa-Metz

Nag-selfie si Sen. Bong Go kasama ang mga Olympic-bound athletes.
PSC

MANILA, Philippines — Tumulak na kahapon ng umaga ang walong national athletes patu­ngong Metz, Paris para sa kanilang final buildup sa 2024 Olympic Games.

Ang mga ito ay sina Tokyo Olympics silver medalists boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam, Hergie Bacyadan, Aira Villegas ng boxing, weightlifters Elreen Ando, John Ceniza at Vanessa Sarno at rower Joanie Delgaco.

Halos isang buwan ang gagawing ensayo ng walo bukod pa kina Tokyo Olympics bronze medal winner Eumir Felix Marcial ng boxing, pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Carlos Yulo, Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo at fencer Sam Catantan.

“Sobrang malaking tulong ito most especially makaka-sparring namin iyong mga nag-qualify na athlete po sa timbang namin,” wika ni Petecio na hangad ang unang Olympic gold sa boxing.

Determinado ang 15 atleta na maduplika ang kauna-unahang Olympic gold medal na binuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz sa Tokyo Games.

“Palagay ko napa­kataas iyong morale ng mga atleta at mga opisyal,” sabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino. “Ngayon lang ata magsasama sama na sabay-sabay in one trai­ning camp.”

Nakatakda ang Paris Olympics sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11.

Umaasa si Tolentino na may mga Pinoy athletes pang makakakuha ng tiket sa Paris Olympics.

Samantala, naniniwala si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakapag-uwi ng medalya ang delegasyon mula sa Paris Olympics.

“So, these athletes that we are sending off to this year’s Olympics embody that Filipino spirit. A spirit that knows no bounds, thrives on adversity, and dares to break any barriers put before them,” wika ng Pangulo sa isang send-off ceremony noong Biyernes ng gabi.

Show comments