MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Canada ang 4-0 sweep sa Manila Leg ng 2024 Volleyball Nations League (VNL) matapos sibakin ang Netherlands, 21-25, 25-22, 28-26, 14-25, 15-9, kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa pagpoposte ng 8-4 record ay inangkin ng mga Canadians ang No. 4 spot sa eight-team quarterfinal round sa ilalim ng Slovenia (9-1), Poland (8-2) at Italy (8-2).
Bumanat si Stephen Maar ng 18 points para pangunahan ang Canada na nalampasan ang hinataw na 37 markers ni Nimir Abdel-Aziz tampok ang 30 attacks nito sa panig ng Netherlands na bumagsak sa No. 13 mula sa 3-9 kartada.
Bumangon ang mga Canadians mula sa first set loss para kunin ang 2-1 bentahe sa laro bago nakatabla ang mga Dutchmen sa fourth set.
Pagdating sa fifth set ay hindi bumitaw ang Canada para ipalasap sa Netherlands ang ikaapat na dikit na talo sa Manila leg.
Samantala, pinalakas ng United States ang pag-asa sa quarterfinals matapos sibakin ang Germany, 25-23, 21-25, 26-24, 25-23.
Naglista si Matt Anderson ng 23 points mula sa 20 attacks at tatlong aces kasunod ang 20 markers ni TJ Defalco para sa 5-6 marka ng mga Americans.