Rondina, Nunag ‘di lalaro sa PVL Reinforced Conference

MANILA, Philippines — Dalawang mahalagang miyembro ng Choco Mucho ang hindi makakalaro sa darating na PVL Reinforced Conference sa susunod na buwan.

Kasama sina scorer Sisi Rondina at middle blocker Cherry Nunag sa pagsalang ng Alas Pilipinas sa 2024 FIVB Women’s Challenger Cup sa Hulyo 4-7 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila at sa 2024 Southeast Asian (SEA) V.League sa Agosto 2-4 sa Vietnam.

Sina Rondina at Nunag ay kasama sa makasaysayang bronze medal finish ng Alas Pilipinas sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup For Women na inilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.

“Nag-rerequest kami siguro sa kanila (Alas Pilipinas) na kung puwede sana, kapag tapos na iyong mga liga nila, puwede na ulit sila maglaro sa amin,” ani Flying Titans coach Dante Alinsunurin.

“Umaasa na lang kami na matapos agad iyong SEA V.League and anytime na makaabot man kami sa Invitationals ay makalaro sila,” dagdag nito.

Samantala, inaasahan nang maglalaro si Dindin Santiago-Manabat sa Choco Mucho matapos payagan ng Nxled.

“She will be a good addition to the team,” sabi ni Alinsunurin na inihayag din ang pagbabalik-aksyon nina Kat Tolentino at Des Cheng sa PVL Reinforced Conference.

Kasalukuyan nang nag-eensayo ang mga Pinay spi­kers ni Brazilian coach Jorge Edson Souza de Brito bilang paghahanda sa dalawang international tournaments.

Idinagdag ni De Brito sina Creamline stars Jema Galanza at Tots Carlos sa Alas Pilipinas pool.

Show comments