MANILA, Philippines — Lintik lang ang walang ganti para sa Meralco nang bumalikwas kontra sa San Miguel Beer, 93-89, sa Game Three para agawin ang bentahe sa 2024 PBA Philippine Cup best-of-seven finals kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Ibinuslo ni Chris Newsome ang panlamang na tres bago selyuhan ang laban sa freethrow line tungo sa 2-1 abante ng Bolts kontra sa reigning champions.
Tumikada si Newsome ng 26 points, 4 rebounds, 4 assists, 1 steal at 2 blocks para banderahan ang matamis na bawi ng Meralco matapos maglahong parang bato ang panalo na sana nila sa Game Two.
Humakot ng 17 points, 13 rebounds at 3 blocks si Raymond Almazan, may 10-point, 13-rebound double-double si Cliff Hodge, habang may 16 at 10 markers sina Bong Quinto at Chris Banchero, ayon sa pagkakasunod, para sa balanseng opensa ng Bolts.
Matapos ang 93-86 panalo sa Game One ay namuro sa 2-0 abante ang Meralco nang lumamang kontra sa San Miguel, 93-89, sa huling 27 segundo ng Game Two.
Subalit nalustay nila ito tungo sa 94-95 pagkatalo bago siguraduhing hindi na ito mauulit sa Game Three.
Dikdikan ang laban ng dalawang koponan matapos walang lumamang ng double digits sa buong laro subalit nakasikwat ng bahagyang bentahe ang Meralco, 88-84, sa huling tatlong minuto sa tres ni Bong Quinto.
Tulad sa Game One, hindi nagpatinag ang SMB nang agawin ang 89-88 abante mula sa free throws ni June Mar Fajardo.