Pacers sasagupa sa Celtics sa Eastern Conference Finals
NEW YORK — Humataw si Tyrese Haliburton ng 26 points para banderahan ang Indiana Pacers sa 130-109 pagsibak sa Knicks sa Game Seven ng kanilang Eastern Conference semifinals series.
Tinapos ng Indiana ang kanilang semis showdown ng New York sa 4-3 papasok sa kauna-unahan nilang conference finals matapos ang 10 taon.
Lalabanan nila sa Eastern Conference Finals ang Boston Celtics na nagpatalsik sa Cleveland Cavaliers sa semis.
“We have a historic offense obviously, but this guy got things rolling and everybody kind of just followed suit,” sabi ni center Myles Turner kay Haliburton.
Nag-ambag sina Pascal Siakam at Andrew Nembhard ng tig-20 points para sa Pacers at may 19 at 17 markers sina Aaron Nesmith at Turner, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Donte DiVincenzo ang Knicks sa kanyang 39 points tampok ang siyam na triples.
Sa Denver, naglista si Anthony Edwards ng 16 points, 8 boards at 7 assists sa 98-90 pagsibak ng Minnesota Timberwolves sa dating kampeong Nuggets sa Game Seven ng kanilang Western Conference semis duel.
Isinara ng Minnesota ang kanilang serye ng Denver sa 4-3 para labanan ang Dallas Mavericks sa Conference Finals.
Nag-ambag sina Karl-Anthony Towns at Jaden McDaniels ng tig-23 points para sa Timberwolves na bumangon mula sa isang 20-point third quarter deficit.
- Latest