Harden, Powell sinakyan ng Clippers
INGLEWOOD, Calif. — Kumolekta si James Harden ng 24 points at 12 rebounds para banderahan ang Los Angeles Clippers sa 105-103 pag-eskapo sa Toronto Raptors.
Umiskor din si Norman Powell ng 24 markers para sa ikaapat na sunod na arangkada ng Clippers (6-4) na nakahugot kay center Ivica Zubac ng 14 points at 12 rebounds.
Pinangunahan nina Ochai Agbaji at Immanuel Quickley ang Raptors (2-8) sa kanilang tig-21 points.
Matapos ang three-point shot ni Quickley na nagtabla sa Toronto sa 103-103 sa huling 39 segundo ng fourth quarter ay nagsalpak sina Powell at Harden ng tig-isang free throw para sa 105-103 bentahe ng Los Angeles.
Ngunit minalas sina Quickley at RJ Barrett sa kanilang mga tira kagaya ng bigong putback attempt ni center Jakob Poeltl sa natitirang 4.1 segundo sa huling posesyon ng Raptors.
Hindi pa rin naglalaro si Kawhi Leonard para sa Clippers dahil sa kanyang inoperahang kanang tuhod.
Sa Cleveland, humakot si Evan Mobley ng 23 points at 16 rebounds sa 105-100 panalo ng Cavaliers (11-0) sa Brooklyn Nets (4-6).
Sa Atlanta, naglista si Ayo Dosunmu ng 19 points at tumipa si Nikola Vucevic ng 18 points at 12 rebounds sa 125-113 pagsuwag ng Chicago Bulls (4-6) sa Hawks (4-7).
Sa San Antonio, kumamada si Collin Sexton ng 23 points sa 111-110 paglusot ng Utah Jazz (2-7) sa Spurs (4-6).
- Latest