Llamado kontra maninilat
Sa kanilang semifinal showdown kontra San Miguel Beer, nagpadehado nang todo-todo si Rain or Shine coach Yeng Guiao.
Aniya, feeling nila eh nag-champion na sila nang makarating sa PBA Philippine Cup Last Four matapos padapain ang TNT.
Dagdag pa niya, magseselebra na sila dahil hindi siya nakakakita ng magandang pag-asang umusad pa sa kanilang pakikipagbakbakan sa title-holder San Miguel Beer.
Pero kung kilala mo si coach Yeng, alam mong padehado lang. O malamang na kasama ito sa kanyang pagmo-motivate sa kanyang koponan.
Pito ang tangan-tangang kampeonato ni coach Yeng. At maraming bilang dito eh paninilat kontra higanteng kalaban.
Kasama diyan ang paggiya niya sa Red Bull at sa Rain or Shine sa kanilang championships.
Masarap balikan ang kanyang huling championship sa 2016 Commissioner’s Cup kasama ang non-scoring import na si Pierre Henderson-Niles na nagamit niya ang defensive at rebounding prowess para silatin ang Barangay Ginebra sa quarterfinals, San Miguel Beer sa semifinals at Alaska Milk sa finals.
Noon eh fourth seed ang Ginebra, No. 1 ang SMB, No. 3 ang Alaska, samantalang No. 5 lang ang Rain or Shine.
Muling fifth seed ngayon ang Elasto Painters na haharapin ang top seed Beermen sa best-of-seven semis confrontation.
Papasok sa semis, galing ang Beermen sa shaky performances sa kanilang mga huling laro.
Siguradong llamado pa rin sila. Pero hindi puwedeng magpakampante kalaban ang maninilat na si coach Yeng.
- Latest