Don Julio inilampaso ang mga karibal
MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na sinungkit ng Don Julio ang panalo sa NJPJAI-Congressman Marvin D. Rillo Special Race na inilarga noong Sabado sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.
Ginabayan ni jockey AP Asuncion ang Don Julio na ipinuwesto sa pangalawa sa largahan upang panoorin sa unahan ang matuling Asiong.
Bentahe ang Asiong ng apat na kabayo sa kalagitnaan ng karera pero bago sumapit ng far turn ay inagaw na ng Don Julio ang unahan at makalamang kaagad ng dalawang kabayo.
Kaya naman papalapit pa lang ng home turn ay nasa limang kabayo na ang abante ng Don Julio sa umagaw ng segundo na Flattering You, habang nauupos na ang Asiong.
Mag isang binaybay ng Don Julio ang rektahan, halos wala ng gustong humabol at nanalo ito ng may walong kabayo ang agwat sa pumangalawang Flattering You, tersero naman ang Hamlet habang pang-apat ang Asiong.
Inilista ng Don Julio ang tiyempong 1:25 minuto sa 1,400 meter race para hamigin ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla ang P11,000 added prize.
Tumanggap ang winning jockey na si Asuncion ng P3,000, habang P2,500 ang napunta kay Kelvin Abobo na rumenda sa Flattering You at P2,000 at P1,500 ang ibinigay sa third at fourth jockeys na sina Andreu Villegas at AM Tancioco na gumabay sa Hamlet at Asiong, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya naman masaya ang paglilibang ng mga karerista.
Ang nasabing karera ay suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
- Latest