GSM, MAGNOLIA mag-uupakan
MANILA, Philippines — Manila Clasico agad ang panimulang handog ng PBA sa pagbabalik-aksyon nito matapos ang mahaba-habang pahinga dahil sa All-Star Weekend sa Bacolod at Semana Santa.
Matapos ang halos dalawang linggo, bakbakan na uli sa 2024 PBA Philippine Cup tampok ang bagong kabanata sa Manila Clasico rivalry ng Barangay Ginebra at Magnolia sa Smart-Araneta Coliseum.
Magpapangbuno ang Gin Kings at ang Hotshots sa alas-6:15 ng gabi pagkatapos ng bigatin ding duwelo ng Phoenix at San Miguel Beer sa alas-3 ng hapon.
Noong Marso 15 pa huling sumabak ang Ginebra nang matikman ang unang kabiguan kontra sa Meralco, 91-73, para sa 2-1 kartada habang noong Marso 16 naman ang huling salang ng Magnolia matapos ang 106-75 debut win kontra sa Converge.
Makikilatis ngayon kung may halo bang kalawang ang dalawang koponan o nadagdagan ang gutom nilang makaiskor ng krusyal na tagumpay sa All-Filipino Conference.
Inaasahan na wala pa rin sa Gin Kings si ace guard Scottie Thompson dahil sa injury subalit masasandalan si All-Star Game co-MVP Japeth Aguilar, Christian Standhardiner at Jamie Malonzo kontra sa Magnolia nina Mark Barroca, Calvin Abueva, Ian Sangalang at Paul Lee na gigil makabawi matapos matanggalan ng trono ni Calvin Oftana sa Three-Point Shootout.
Solo lider ngayon ang Beermen hawak ang 2-0 kartada.
- Latest