Win No. 3 pakay ng Cignal sa Nxled
MANILA, Philippines — Sa kanilang 25-14, 25-16, 25-17 panalo sa Galeries Tower ay halos lahat ng players ng Cignal HD ay nagbigay ng kanilang kontribusyon.
“Nakaka-proud ang mga teammates ko kasi kahit sino ang ipasok mo talagang nagko-contribute. So happy lang na naka-straight sets kami,” sabi ni Ces Molina na pumalo ng 14 points para sa ikalawang dikit na panalo ng HD Spikers.
Target ang ikatlong sunod na ratsada para sumosyo sa liderato, lalabanan ng Cignal ang Nxled ngayong alas-6 ng gabi matapos ang banggaan ng nagdedepensang Creamline at Galeries sa alas-4 ng hapon sa 2024 PVL All-Filipino Conference sa Philsports Arena.
“Ang sarap ng pakiramdam ulit, siyempre panalo. But mas kailangan ulit namin manalo after this,” ani HD Spikers coach Shaq delos Santos.
Nangunguna ang Choco Mucho sa kanilang 3-0 baraha kasunod ang Creamline (2-0), Cignal HD (2-0), PLDT Home Fibr (2-1), Petro Gazz (2-1), Chery Tiggo (2-1), Akari (1-2), Farm Fresh (1-2), Capital1 (1-2), Nxled (0-2), Galeries Tower (0-2) at SGA (0-3).
Bukod kay Molina, muli ring sasandigan ng HD Spikers sina Vanie Gandler, Roselyn Doria, Jovelyn Gonzaga, Riri Meneses at Gel Cayuna katapat sina Ivy Lacsina, Lycha Ebon, Kamille Cal, Krich Macaslang, May Luna at Jhoana Maraguinot ng Chameleons.
Sa unang laro, puntirya ng Cool Smashers ang ikatlong dikit na ratsada laban sa Highrisers.
Natakasan ng Creamline ang Chargers, 25-22, 21-25, 25-22, 25-19, para sumosyo sa second spot habang nakalasap ang Galeries ng 14-25, 16-25, 17-25 kabiguan sa Cignal sa kanilang mga huling laban.
- Latest